Sunday, July 7, 2013

Kasal. Kasalan. Kasalanan.



         Ang peliulang "Kasal Kasali Kasalo" na pinagbidahan nina Judy Ann Santos (Angie) at Ryan Agoncillo (Jed) ay ipinalabas noong taong 2006 bilang kalahok ng Metro Manila Film Festival. Umiikot ito sa usapin ng ugnayan sa pagitan ng mag-kasintahan, mag-asawa, at ng anak sa magulang.

        Napili kong pag-aralan ang tekstong ito dahil sa mga pagkakatulad nito sa karanasan ng aming pamilya noong aking kabataan. Noong taong 2005, isang hindi inaasahang pangyayari ang dumating sa aming pamilya. Aming napag-alaman na isa nang binatang ama ang aking nakatatandang kapatid. Dalawampung taong gulang lamang siya noon. Tulad ng dalawang tauhan sa pelikula na sina Jed at Angie, nagkakilala sila dahil sa isang myutwal na kaibigan. 

        Minabuti ng aking ina na sila'y magpakasal para sa kanila at para sa kanilang anak. Bagaman mas naging maayos ang pagpa-plano para sa kasal, nagkakapareho parin ang sitwasyon namin sa tunay na buhay at ang pelikula sa aspeto ng impluwensiya at papel ng pamilya sa pagpapakasal at sa relasyon ng babae at lalaki.

        Ito ang realidad na kinamulatan ko. Ito ang ilan sa mga nagaganap sa lipunan habang kaming mga nasa elementarya ay hinuhubog pa lamang upang maging aktibong miyembro ng nasabing lipunan.

       
     Ipinakita kung paano nabuo ang relasyon nina Angie at Jed sa unang bahagi na ito. Ipinakilala sila sa isa't isa ng kanilang mga kaibigan nang magkita kita ang mga ito sa isang bar. Apat na buwan sa kanilang relasyon ay nagyaya nang magpakasal si Jed kay Angie dahil ayaw nitong manirahan sa Amerika kung saan naka-base ang kanyang pamilya.

        Ito ay maaaring repleksyon ng paglihis sa tradisyunal na panliligaw noong mga panahong iyon. Naging mabilis at madali ang pagpasok sa isang relasyon ng kabataan. Madalas na nagkakakilala ang mga babae at lalaki sa mga pagtitipon ng magkakaibigan. At sa sandaling panahong iyon ng pag-uusap at pagkakakilala ay nauuwi sa matamis na pagtitinginan. 

         Ayon nga sa kaibigan ni Angie sa pelikula, "Dalagang Pilipina? Hello. Hihintayin mo pa ba yung lalaking lumapit sa'yo tapos lumuhod tapos pag-iigiban ka ng tubig?"

         Hindi narin nakikita ang kahalagahan ng pagpapakilala ng kasintahan sa magulang. Hindi agad ito nalalaman dahil maaaring hindi pinahihintulutan o di kaya'y nasa malayong lugar ang mga magulang. Masasabing iyon ang mga panahon kung kailan malaya ang kabataan na makipaghalubilo at pumili ng mga taong kanilang makakasama na hindi na nangangailangan pang humingi ng abiso o payo mula sa mga magulang. Nagugulat na lamang itong magpapakasal na ang anak.

         Naroon parin ang konsepto ng pag-hamak sa lahat ng bagay para lamang sa minamahal.  Ipinakita ito sa biglaang pagyaya ng kasal ni Jed kay Angie sa isang kainan kung saan nagsama-sama sila ng kanilang mga kaibigan para sana sa kanyang nalalapit na pag-alis patungong Amerika. Tila ba'y nag-uumapaw ang pagmamahal sa kasintahan at laging may kagustuhang makasama ito araw-araw.


        Bagaman kaiba na sa tradisyunal na kaugalian ang panliligaw noong mga panahong iyon, binibigyang diin parin ang malaking papel at impluwensiya ng pamilya sa pagpapakasal ng anak at sa buhay may-asawa nito. Ipinakita ito sa pelikula nang isa isang pinuntahan nina Angie at Jed ang kanilang mga magulang upang ibalita ang kanilang planong pagpapakasal--ang pamamanhikan.

       Sa pakikipag-usap ni Angie sa kanyang ina tungkol dito, biglang naitanong ng kanyang nakababatang kapatid kung ang dahilan ng kanyang pagpapakasal ay dahil siya'y buntis. Isa itong pahayag na maaaring nag-ugat sa sitwasyong laganap noong mga panahong iyon--ang pagpapakasal ng mga dalagang nabubuntis ng kanilang kasintahan upang matabunan ang hindi kanais-nais na imaheng nabubuo nito sa kanyang pamilya.


                     "Pregnancy among girls under the age of 20 increased by 65 per cent 

                 over a 10-year period, from 2000-2010, despite a reverse trend in teen 
                 marriages, which is on the decline, according to the National Statistics 
                 Office (NSO)." 


     Kaugnay parin sa mga pagpa-plano para sa kasal, malaki ang kagustuhan ng mga magulang lalong lalo na ang mga ina na makibahagi sa mga preparasyon. Maaaring dahil ito sa likas na nilang katangian ang masigurong maayos ang lahat para sa kanilang mga anak. Ngunit nakikita itong problematiko ng mga anak na ikakasal sapagkat maaaring iba ang kanilang mga kagustuhan at alam nila sa kanilang mga sarili na mayroon silang sariling kapasidad upang masiayos ang okasyon na iyon. 


    Nagkaroon din ng implikasyon ng antas sa lipunan ng bawat pamilya sa pelikula. Ipinakita ito sa pagkakaiba ng uri ng hanapbuhay ng kanilang mga magulang. Pagbebenta ng longganisa ang negosyo nina Angie habang ang ama niya'y nasibak sa pagiging pulis. Ang mga magulang naman ni Jed ay masagana ang buhay sa Amerika. Isa ring doktor ang kanyang ama.

 Makikita din ito sa pagkakaiba ng  pamumuhay ng pamilya ni Jed at pamilya ni Angie lalong lalo na sa eksenang nadumihan ng tina ni Belita, nanay ni Angie, ang tuwalya ni Charito, nanay ni Jed, na nagmula pa sa London. Inireklamo at idiniin ito ni Charito.

    Masasabing mahalaga para sa mga magulang ang estado ng mapapangasawa ng kanyang anak--ang hanapbuhay nito, personalidad, at mga katangian ng pamilyang kinalakhan nito. Inaalala parin ng magulang ang kapakanan ng kanyang anak kahit pa'y ito'y nasa tamang edad na upang bumuo ng kanyang sariling kinabukasan. Kahit na minsan ay nakikitang problematiko, mahalaga parin ang pagsaalang-alang sa saloobin ng magulang.





    Mahihinuha na noong mga panahong iyon, marami ang nasasangkot sa isyu ng pagkakaroon ng kabit. Nawawala ang pagkasagrado ng kasal. Hindi na nakikita ang tunay na halaga at kahulugan ng sakramentong ito sa paghahanap ng kaligayahan sa ibang babae. Ito ang madalas na nagiging dahilan ng paghihiwalay ng mga mag-asawa. Ito ay isang matinding pagkakamali na hindi lamang ang lalaki ang may kayang gawin kundi pati na rin ng babae. 





      "A common concern emerging from family ministry in the Philippine setting is of a marriage affected by infidelity. Infidelity is the breaking of marital vows. In Philippine culture, infidelities or extramarital relationships range from casual relationships to the keeping of a querida or paramour (Medina 1991).... Lacar (1993) reports that male infidelity is the most frequent reason for marital separation. Vancio (1980, 1977) cites male infidelity as a major issue for marital break-ups in Metro Manila. In the McCann Metro Manila Male Study (1995), half of the 485 male respondents reported having had extramarital affairs. Relucio (1995) in her in-depth interview with seven separated women, notes that "infidelity was found to be a common problem." Dayan, et. al. (1995) in their study of 60 petitioners for nullity of marriage, report that adultery was one of the major reasons cited."


         Nauuwi ang lahat ng ito sa konsepto ng kalayaan. Malaya tayong pumili ng makakasama sa pang-habang buhay. Malaya tayong magdesisyon para sa sarili. Ngunit idinidiin ng pelikulang ito na bagamat ipinagkalooban tayo ng kalayaan ay mahalaga parin na isinasaalang-alang natin sa pagdedesisyon ang ating pamilya. At  kakabit ng kalayaang ito ay ang responsibilidad na kumilos ng nararapat. 

Sangguinian:


http://www.unfpa.org.ph/index.php/news/323-philippines-highlights-rising-teen-pregnancy-on-1st-international-day-of-girl-child#sthash.9DMEY0BI.dpuf

http://eapi.admu.edu.ph/content/filipino-context-infidelity-and-resilience


No comments:

Post a Comment